Entertainment

“Hindi kami hiwalay ni Zoren” – Carmina | Showbiz



“Hindi kami hiwalay ni Zoren” – Carmina

Pasensiya na po kayo at hindi ako nakahabol kahapon. Medyo abala ako no’ng nakaraang Biyernes at Sabado kaya hindi ko nagawang tumawag sa PSN.

Pero hindi bale babawi ako ngayong Lunes.

Binabati ko si Cesar Montano lalo na si Sunshine dahil sa tapang nang isilang niya ang kanilang first baby. Isipin mo, kung ‘yung ibang nanganganay ay ninerbyos, ibahin mo si Sunshine dahil nagawa pa niyang mag-relaks muna sa pamamagitan ng panonood ng sine at umuwi pa para mag-shower bago dumiretso sa hospital.

Sigurado akong mas masaya na sila bilang isang buong pamilya dahil kasama na nila ang bago nilang supling na si Angelina Isabelle.

Doble na ang excitement na nararamdaman ngayon ni Cesar tuwing uuwi siya ng bahay. Kaya naman, kulang na lang ay liparin ang kanyang sasakyan para makarating ng bahay at matulungan ang asawang si Sunshine na mag-alaga ng kanilang baby.

Kitang-kita sa mata ni Cesar ang kasiyahan tuwing mapapanood ko siya sa TV na nagpo-promote ng kanyang bagong pelikula.

Sang-ayon ako sa desisyon ni Sunshine na mag-concentrate na muna sa pag-aalaga ng anak nila ni Cesar at huwag na munang magtrabaho. Tamang hayaan muna niyang si Cesar ang maghanap-buhay sa kanilang pamilya.

Ang masasabi ko lang, congratulations sa inyong mag-asawa. sana marami pang Angelina Isabelle ang madagdag sa mundo.


Salamat naman at nagkaroon ako ng pagkakataong makausap si Carmina Villaroel. At least natanong ko sa kanya ‘yung lumalabas na isyu na umano’y hiwalay na sila ni Zoren Legaspi. Sabi ni Carmina, hindi ‘yun totoo. Sa katunayan, masaya naman daw ang kanilang pagsasama. Sabi pa sa akin ni Carmina, naawa na raw siya kay Zoren dahil sinasabi pa ng mga nag-iintriga na kaya sila naghiwalay ay dahil wala itong trabaho.

Ang totoo raw, hindi naman nawawala sa eksena ang actor. May mga pagkakataon na lumalabas din ito sa mga TV show bukod sa pagiging preacher ng Ang Dating Daan.

Nakikiusap si Carmina na sana ay tigilan na sila sa kung anu-anong intriga.

‘Yan ha, mismong si Carmina na ang nagsabi. Siguro naman titigilan n’yo na sila.

Maraming nabitin sa reunion namin ng mga anak-anakan ko sa That’s Entertainment at GMA Supershow sa special episode ng Sis last week. Hindi kasi nakumpleto ang mga dating co-host ko sa dalawang programa. Pero siyempre, mahirap talagang gawin ‘yun.

Sa mga reaction nga ng mga nakapanood nakita raw nilang ibang-iba ang combination ng mga co-host ko noon. Napagsama-sama ko nga naman ang malalaking artista na tulad ni Sharon Cuneta at ZsaZsa Padilla at maraming-marami pang iba.

Saka sa presentation ng show, ibang-iba raw noon.

Totoong nakakabitin at nakaka-miss. Pero sana nga mapagsama-sama natin silang lahat na nag-umpisa sa aking programa sa anniversary ng Master Showman sa darating na Enero.

Dapat sigurong sundan agad ng Star Cinema ang pelikula nina Judy Ann Santos at Piolo Pascual na Bakit Di Totohanin. Sayang kung palalampasin nila ang pagkakataon na mainit pa ang fans sa tambalan ng dalawa.

Noong panahon ng LVN at Sampaguita Pictures, sinusundan agad nila ang isang pelikula kapag kumita sa takilya para ma-maintain ang success ng tandem. Ang napapansin ko kasi ngayon, nabibitin at nawawala ang interes ng mga fans dahil sa tagal ng follow-up movie ng mga kumitang pelikula. Sayang naman kung palalampasin natin ang pagkakataon.

Siguradong ngayon pa lang ay sold-out na ang ticket sa nakatakdang concert ni Nora Aunor sa Music Museum ngayong buwan.

Matagal na ring hinihintay ng mga fans niya ang pagkakataong ito dahil matagal-tagal na ring hindi siya napapanood na kumanta.

Masaya ako para kay Guy. Sana nga ay mag-tuloy tuloy na ang pagiging aktibo niya sa kanyang career. Sana hindi lang sa pagkanta kundi maging sa pelikula.



Source link